Miyerkules, Marso 26, 2014

Bangka ni Tinay (Talambuhay)

               Isang babae na patuloy na naglalakbay at dito’y nahubog at namulat ang mga mata sa realidad ng buhay. Sa pinagtagpi-tagping mga makukulay na karanasan ay isang pagkatao ang nabuo na patuloy na sinusubok ng panahon at mundo. Sa kabila ng lahat ng nangyayari ay hindi natinag at nagpapahuli sa pag-abot ng pangarap.
            Ang aking buong pangalan ay Kristina L. Roferos, mas kilala sa nakararami na si Tinay o Tintin. Isinilang ako noong ika-25 ng Mayo 1994 sa lungsod ng Catarman, probinsiya ng Hilagang Samar. Bunsong anak ako ng mag-asawang sina Ernido M. Roferos, isang nagtatrabaho sa banko, at Vicenta L. Roferos, isang negosyante. Ang aking apat na nakatatandang mga kapatid ay lahat na nakapagtapos sa kolehiyo. Sa gulang na labing-isa, ang aking ama ay pumanaw na dahil sa sakit sa utak.
            Nagsimula ako pumasok  sa paaralan noong apat na taong gulang sa San Lorenzo Ruiz de Manila House of Montesorri. Sa elementarya, ako ay nag-aral sa Catarman SPED Center, kung saan una akong nangarap at nagsimulang magsumikap na sa pagtatapos ng bawat taon sa eskwela ay makatungtong ako kasama ang aking ina sa entablado. Sa awa ng Diyos ay nagawa ko naman ang mga iyon. Ipinasok ako ng aking ina sa University of Eastern Philippines Laboratory High School para sa aking sekondaryang edukasyon. Patuloy ko tinutupad ang aking mga pangarap, ngunit hindi ito naging madali. Sinubok ang aking pagkatao lalo na ang aking kakayahan. Naranasan kong makakuha ng mababang marka at muntik na hindi makauwi ng karangalan sa pagtatapos. Ito’y naging aral na lagi kong dala hanggang sa pagtungtong ko sa Kolehiyo ng San Beda hanggang sa pagtatapos ko ng kursong B.S. Accountancy. Patuloy ako nagpapasalamat sa Kanya at hindi niya ako pinabayaan.
            Sa aking buhay, hindi ko iginugugol ang lahat ng aking oras sa pag-aaral. Aktibong miyembro ako nf CFC- Youth For Christ na kung saan bilang mga kabataan ay hindi naming pinapabayaan ang personal na relasyon sa Diyos habang sinusulit ang panahon bilang “teenager.” Tinutulungan din naming ang aming kapwa na maniwala at magdasal. Patuloy din ang aking pagtulong sa mga bata na hindi sakto ang kalusugan doon sa aming probinsiya. Kasama ang Girl Scout of the Philippines sa mga proyekto na tulad ng pagpapakain doon sa amin.
            Matapos ang mga karanasan na aking napagdaanan, napagtanto ko ang importansiya ng mga taong lagging nariyan para sa akin. Ang aking pamilya, kaibigan, kamag-aral at sa mga taong di ko napapansin, ngunit nag-iiwan pala ng mga aral sa aking buhay. Sila ang aking itinuturing na yaman na hindi mapapalitan ng pera o karangalan. Sila ang nagbibigay ngiti sa aking mga labi at inspirasyon upang pagbutihin sa lahat ng aking ginagawa sa bawat pagkadapa, pagtawa, pag-iyak, pag-ngiti, alam ko na kasama ko sila hanggang sa dulo.

            Parte ng buhay ang mabigi, ngunit hindi na ito ang katapusan ng mundo ko. May mga panahon na gusto ko na sumuko, ngunit naisip ko ang mga pangarap na nais ko makamit di lamang para sa sarili ko kundi pati na rin sa mga taong mahalaga sa akin. Patuloy man makipaglaro ang tadhana sa akin at ihampas ang malalaking alon ng pagsubok, alam ko na nariyan ang Diyos upang pagtibayin ang Bangka na aking sinasakyan sa paglalakbay. Patuloy akong mangangarap at aabutin sakay sa Bangka ni Tinay.